MANILA, Philippines - Napatay ang 46-anyos na nanay habang sugatan naman ang anak nito makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Yeida Umpad, 46, ng 1-A, Santillan Street sa Barangay Damayan, San Francisco del Monte habang sugatang naisugod sa Capitol Medical Center ang anak na si Rhidamie Umpad, 26.
Sa ulat ni PO1 Raldwin Jones Sanchez, naganap ang krimen sa bisinidad ng Tolentino Street bandang alas-10:30 ng umaga kung saan magkasama ang mag-ina sa Toyota Altis na may plakang NQP 823.
Gayon pa man sumalpok sa likuran ng cargo van (NGI 449) ang kanilang kotse matapos pagbabarilin ng tandem pagsapit sa Morato Street sa San Francisco Del Monte.
Sinundan pa at nitratrat ng gunmen ang mag-ina habang isinusugod sa ospital bago tuluyang tumakas.
Idineklarang patay ang matandang Umpad habang ang anak nito ay nasugatan.