11 arestado sa drug operations

MANILA, Philippines - Umabot sa 11-katao ang naaresto ng pamunuan ng Quezon City Police District sa magkakasunod na anti-drug operations sa mga barangay nitong nakalipas na linggo, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng QCPD-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group, kinilala ang mga suspek na sina Alvin Fernandez, alyas Storkman at Balong, 39; Margie Soliman, 24; Maricel Amarille, 36; Jay-R Medina, 30; Ray Biares, 35; PJ Morales, 25; Jaymar Borromeo, 19; Joana Bautista, 34; Raymundo Esmores, 28; Jerry Averilla, 35; at si James De Guia.

Base sa tala ng pulisya, sina Bautista at Fernandez ay kabilang sa Top 10 drug personalities na may operasyon sa nasabing lungsod.

Nadakip ang dalawa sa apat na anti-illegal drug operation sa panulukan ng San Simon Street at Sta Maria Street sa  Brgy. Holy Spirit kung saan narekober ang isang plastic sachet ng shabu at P1,000 marked money.

Sina Soliman, Amarille, Medina, Biares, at Morales naman ay naaktuhan sa pot session sa Gen. Luis St., Brgy. Novaliches Proper sa Novaliches noong Huwebes ng mada­ling araw.

Habang si Borromeo naman ay naaresto sa buy-bust operation sa Nelson Ville Sapphire Street sa Brgy. Batasan Hills.

Sina Bautista, Esmores, Averilla, at si De Guia ay nadakip sa pot session sa kahabaan ng Bukluran Street sa Phase 8, Brgy. Fairview noong Miyerkules ng gabi.

Narekober sa mga suspek ang mga drug paraphernalia, at ang P500 marked money na ginamit ng pulisya sa buy-bust operation.

 

Show comments