Grace lumabag sa pagsuporta sa rally ng Iglesia Ni Cristo

Libu-libong miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang nag-rally sa  Shaw Boulevard, Mandaluyong City laban sa pamunuan ng Justice Department kahapon kaugnay sa sinasabing pakikialam ni Justice Secretary Leila De Lima sa itiniwalag na ministro na nag-akusa ng illegal detention laban sa pamunuan ng nasabing grupo. -Kuha ni MICHAEL VARCAS-

MANILA, Philippines - Posible anya na lu­mabag si Senator Grace Poe sa batas nang nagpahayag ito ng suporta sa mga miyembro ng  Iglesia Ni Cristo (INC) na nagsasagawa ng kilos-protesta laban kay  Justice Secretary Leila de Lima na umano ay nakikialam sa kaso ng isang itiniwalag na miyembro ng  nasabing sekta.

Paniwala ni Atty. Trixie Cruz-Angeles na ang mga panawagan ni  Poe kay  De Lima na mas bigyan ng prayoridad ang ibang  mga kaso sa halip unahin ang kasong   serious illegal detention, harassment, grave threats at coercion na isinampa ng itiniwalag na ministro ng INC na si  Isaiah Samson at kanyang pamilya ay pag­labag  sa batas sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa  Section 3 (a) ay ikinokunsiderang crime acts of “persuading, inducing or influencing another public officer to perform an act constituting a violation of rules and regulations duly promulgated by competent authority or an offense in connection with the official duties of the latter, or allowing himself to be persuaded, induced, or influenced to commit such violation or offense.”

Magugunita na si Poe ay nagwika ng “Magtataka ka rin, bakit ang tutok doon, samantalang halimbawa ang ibang mga kaso ng gobyerno wala naman silang mga witnesses pa na naka-hold”.

Binanggit din ni Poe na dapat ay humarap si De Lima sa mga tao na nagra-rally para umano magpaliwanag sa kaso upang mawala ang galit ng mga nagraraling Iglesia at hinikayat pa nito ang DOJ na bigyan ng atensyon ang ibang kaso lalo na ang Mamasapano case.

Si Poe ay kasaluku­yang nahaharap sa disqualification case sa  Senate Electoral Tribunal dahil sa isyu ng kanyang  citizenship at residency noong 2013 elections.

 

Show comments