MANILA, Philippines - Malaki ang paniwala ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na ang pagtulong ni Justice Secretary Leila De Lima sa itiniwalag na ministro na si Isaias Samson Jr., ay taktika ng administrasyon para i-pressure ang INC na sa kandidato ng administrasyon ibigay ang kanilang suporta sa 2016 elections.
Anila, posible umanong iniisip ng gobyerno na kapag nagipit ang pamunuan ng INC ay itataya na nito para sa kandidato ng administrasyon ang ‘bloc voting’ kapalit ng hindi pagtutok ng DOJ sa mga reklamo at isisiwalat ng ministro.
Magugunita na noong Huwebes, na ika-56 na kaarawan ni De Lima ay nagsagawa ng protesta ang mga INC members sa harap ng DOJ at tanong nila bakit nanghihimasok si De Lima sa usapin sa INC.
Ang INC ay kilala sa pagbibigay ng bloc voting kaya nililigawan ng mga pulitiko kapag eleksyon. Nasa 1.37 million ng 52 million Filipino voters o 2.6% voting population ng bansa ang mula sa INC.
Hindi pa matiyak ng mga INC members na nagpoprotesta kung hanggang kailan sila mananatili sa kahabaan ng Padre Faura, pero base sa ibinigay na permiso sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Maynila, inparubahan ang pagtitipon noong August 27, pero walang nakasaad kung hanggang kailan lang sila pinapayagan.
Kaya’t hindi natinag ng ulan ang vigil na isinagawa ng mga miyembro ng INC at patuloy ang gagawing rally upang ipabatid kay De Lima na hindi dapat na makialam ang gobyerno sa relihiyon.
Binigyan diin ni INC general evangelist Bienvenido Santiago na ang reklamong inihain ni Samson ay may patnubay ni De Lima.