MANILA, Philippines - Pinaulanan ng bala ng dalawa sa apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo ang coffee shop ni ABS-CBN broadcaster Anthony Taberna naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Nagkabasag basag ang mga salamin ng Ka Tunying’s Cafe ni Taberna na matatagpuan sa no. 88 Visayas Avenue, Brgy. Vasra na kung saan ay narekober ang nasa 15 basyo ng bala ng kalibre 45.
Lumalabas sa ulat na dakong alas-2:00 ng madaling araw ay apat na kalalakihan sakay ng tig-isang motorsiklo ang may kagagawan ng pamamaril sa establisyemento ni Taberna.
Sa pahayag ng security guard ng katabing establisyemento na si Reynaldo Bacurin, isa sa mga suspek ang lumapit sa kanya at nagsabing “Pwede ba magtanong Sir, May kargada kaba?”
Nang sagutin ni Bacurin na “wala po sir” saka umano sinimulan ng dalawang suspek ang pamamaril sa tindahan ni Taberna.
Batay sa kuha ng CCTV camera ay makikitang isang taxi ang huminto sa lugar kasunod ang dalawang motorsiklo na kapwa may angkas sa likod.
Nang makaalis ang taxi, bumaba naman ang dalawang angkas kung saan isa sa mga ito ang nakitang nagmamadaling nagpunta sa coffee shop.
Sa kabilang kuha ng CCTV, makikitang isa sa mga suspek na may dalang baril ang lumapit sa nakaupong guwardiyang si Bacurin at nakipag-usap ng ilang sandali saka umalis ito hanggang sa makitang nagmamadaling pumasok sa loob ang huli at sunod-sunod na pinaputukan ng dalawang suspek ang nasabing coffee shop.
Ayon kay Taberna, halos isang linggo pa lamang nagbubukas ang kanilang negosyo at maganda na man ang takbo nito at nakikisama naman siya sa paligid kahit kapareho ng linya ang kanilang negosyo.
Hinala ni Taberna ang malapit lapit na motibo ay tungkol sa trabaho niya na kapag may binatikos na isa ay marami ang matutuwa, pero mayroon din namang magagalit.
Kinondena naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang ginawang pamamaril sa coffee shop ni Taberna na isang uri ng pananakot.
Kinalampag rin ni Cayetano ang gobyerno na dapat aniyang solusyunan ang mga extra-judicial killings at harassment incidents laban sa mga mamamahayag.
Nananatili pa rin aniyang pinaka-delikadong lugar sa mundo para sa mga mamamahayag ang Pilipinas.
Bilang mga miyembro ng “Fourth Estate, ikinokonsidera aniya ang media na pinaka-makapangyarihang panlaban sa katiwalian.