MANILA, Philippines - Hindi naligtasan ng isang radio broadcaster ang ikalawang pagtatangka sa kanyang buhay nang siya ay muling pagbabarilin kahapon ng umaga ng apat na kalalakihan sa Ozamis City, Misamis Occidental.
Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ay kinilalang si Cosme Maestrado, 49-anyos, broadcaster sa DXOC radio na nakabase sa lungsod.
Ayon sa ulat na tinanggap ni Ozamis City Director Supt. Jerry Tambis, dakong alas-9:15 ng umaga sa harapan ng Quality Shopping Center sa kahabaan ng Washington Street sa panulukan ng Rizal Street, Brgy. 50 ay kasalukuyang kausap ng biktima ang may-ari ng establisiyemento nang biglang dumating ang apat na armadong salarin, dalawa rito ay sakay ng isang motorsiklo na nagsilbing backup habang naglakad lamang ang dalawa na siyang triggermen.
Agad na pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng sampung tama ng bala sa katawan, dalawa rito ay sumapul sa kaniyang ulo at isa sa dibdib.
Nagawa pang maisugod sa Medina Hospital sa Ozamis City ang biktima pero binawian rin ito ng buhay matapos ang 40 minuto.
Sa tala, ang biktima ay minsan na ring tinambangan noong Nobyembre 2011 ng 5 hindi nakilalang mga kalalakihan, subalit nakaligtas ito. Si Maestrado ay kilalang birador sa kanyang programa sa radyo.
Kinondena naman kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpaslang kay Maestrado at iniutos na sa PNP ang pagtugis sa mga suspek.