MANILA, Philippines - Bilang solusyon sa lumalalang problema sa trapiko ay ipapatupad ng gobyerno ang odd-even scheme sa mga sasakyan sa Metro Manila kada linggo.
Ito ang inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III at inaasahan na aani pa rin ng pagbatikos mula sa publiko ang planong ito na nakikitang solusyon sa matinding trapiko sa Metro Manila.
Naunang ipinatupad ang unified vehicular volume reduction program (odd-even scheme) sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1996 bilang solusyon sa trapiko sa Metro Manila kung saan ay bawal magbyahe ang mga odd ang ending ng plate number tuwing MWF at bawal naman ang even ang ending tuwing T-TH-S.
“Pinakaradikal ay hatiin ang bilang ng bumibiyaheng sasakyan, salitan ang pagbaybay ng odd, even na plaka kada linggo,” wika pa ni Pangulong Aquino kahapon sa kanyang speech sa inagurasyon ng Sen. Neptali Gonzales academic hall sa Rizal Technological University sa Mandaluyong City.
Samantala, iminungkahi ni Caloocan Rep. Edgar Erice kay P-Noy na gawing traffic czar si DZMM anchor Ted Failon dahil sa puro pagbatikos nito kay MMDA chairman Francis Tolentino sa pagkabigo daw na mabigyang solusyon ang trapiko sa MM.