MANILA, Philippines - Kung hindi umano mag-i-inhibit si Court of Appeals Associate Justice Noel Tijam sa hawak nitong kaso na kinasasangkutan ng R-II Builders ay iaakyat nila ang usapin sa Supreme Court.
Ito ang naging banta ni Cyrus Paul Valenzuela, president of One Source Port Services, na ang SC ang kanilang huling baraha upang makakuha ng patas na desisyon sa kaso.
Una nang naghain ng urgent motion ang OSPS sa Fifteenth Division ng Court of Appeals noong August 13 na hinihiling nito na mag-inhibit si Tijam sa kaso na nakabinbin sa kanya bunsod na rin ng pagiging malapit nito sa may-ari ng RII Builders.
Maging ang Kapisanan Kontra Korap (KKK) ay nagsumite ng open letter kay Pangulong Aquino hinggil sa kaso ng Home Guaranty Corporation (HGC) sa umano’y pagiging bias ng CA Fifteenth Division pabor sa R-II Builders.
Hindi na bago sa kontrobersiya si Tijam nang maging nominado ng Judicial and Bar Council bilang kapalit ni SC Justice Renato Corona.
Naglaho ito nang masangkot ito sa kaso ng RII hinggil sa Smokey Mountain Development and Reclamation Project (SMRDP).