MANILA, Philippines – Lalo pang pinalakas ng QC government ang kampanya para malabanan ang pagkalat ng sakit na dengue sa lungsod makaraang makipagkasundo ang QC health department sa pagitan ng Department of Health (DOH) at pharmaceutical company Sanofi Pasteur kasama ang mga QC public schools.
Kaugnay nito ay pinamunuan nina QC Mayor Herbert Bautista at QC Vice Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad sa Esteban Abada Elementary School ng Dengue Mission Buzz 2015 na revival ng 4 o’clock habit sa pag-iwas sa dengue mosquitos na karaniwang lumilitaw tuwing alas-4:00 ng hapon at dumadami mula buwan ng Hulyo at Agosto.
Ang Dengue Mission Buzz 2015 na may temang “Linisin ang Kapaligiran, Dengue ay Maiwasan,” ay kinatampukan ng parada at dance competition sa pagitan ng mga mag aaral sa mga public schools sa lungsod.
Sa kasalukuyan may 1,958 dengue hemorrhagic cases na naitala ang QC mula Enero 1 hanggang Agosto 8 ng taong ito.