MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang katuwaan ng mga estudyante na maligo sa dagat matapos na masawi ang dalawa sa kanila, apat ang nasagip habang isa ang nawawala nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka matapos balyahin ng malalakas na alon kamakalawa sa Brgy. Taruc, Socorro, Surigao del Norte.
Natagpuang nakalutang sa dagat ang bangkay ng dalawang estudyante na sina Lara Dacera, 16, Grade 10 at Ayanie Elandag, 16, Grade 9.
Nailigtas naman ang apat na sina Liezel Mascardo, 16; Analou Enago, 16; Resma Taro, 15, Grade 10 at Joshua Mascardo, Grade 9; pawang residente ng Brgy. Nueva Estrilla, Socorro ng lalawigan. Habang pinaghahanap ang nawawalang si Brian Gonzales, Grade VII.
Batay sa ulat ni Supt. Martin Gamba, Spokesman ng CARAGA Police, dakong alas-5:30 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa paglubog ng bangkang sinasakyan ng mga estudyante ng Nueva Estrilla National High School sa Point Puyangi, Brgy.Taruc, Socorro ng lalawigan.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng Socorro Police, PCG at Bucas Grande Search and Rescue Team sa lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagkatuwaan ang mga biktima na mag-swimming sa lugar dahilan holiday noong Biyernes kaugnay ng pagdiriwang ng pagkamatay ni dating Senador Benigno Aquino Jr., na nauwi naman sa trahedya.