MANILA, Philippines – Namatay noon din ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos na saksakin sa dibdib ng 20 beses nang tumanggi sa alok na sex ng adik na pedopilya kamakalawa sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Cairistian “CJ” Balquin, residente ng Brgy. Nazareth ng lungsod dahil sa tinamong 20 saksak sa dibdib mula sa dalawang patalim na ginamit.
Agad ding naaresto ang suspek na si Alfonso Dy Dadole III, 46-anyos, apo ng namayapang si dating Misamis Oriental Gov. Alfonso Dadole.
Lumalabas sa imbestigasyon, pasado alas-9:00 ng umaga ay kalaro ng biktima ang kanyang nakababatang kapatid nang tawagin siya ng suspek at pinipilit na makipag-sex sa kaniya.
Nang tumangggi ang biktima ay pinagsasampal at pinagsasaksak ito ng suspek na nasaksihan ng nakababatang kapatid ng biktima.
Wala itong magawa sa patuloy na pag-unday nang saksak ng suspek sa kuya kaya’t umiiyak itong napatakbo sa paghingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.
Nagresponde naman ang mga opisyal ng barangay kasama ang mga kapitbahay ng biktima, subalit patay na ang bata sa loob ng kuwarto ng suspek ng kanilang abutan.
Sinabi ng suspek na lulong umano siya sa droga nang gawin niya ang krimen.