MANILA, Philippines - Nakahanda ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magbigay ng P100,000 reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung sino ang pumatay sa Philippine Eagle na si Pamana.
Si Pamana ay babaeng agila na 3 tatlong taon gulang ay natagpuang patay ng Philippine Eagle Foundation biologists at forest guard sa Mt. Hamiguitan Range Wildlife Santuary sa Davao Oriental noong Agosto 16.
Nakitaan ng metal fragment sa kanang dibdib si Pamana na ibig sabihin ito ay binaril.
Itinuturing ni DENR Secretary Ramon Paje na isang barbaric act ang pagpatay kay Pamana na kailangan maaresto at maparusahan kaya’t nanawagan ito sa mga otoridad na nakakasakop sa lugar at sa mga residente doon na tulungan ang regional environment officials para tugisin ang pumatay kay Pamana.
Sa oras na matukoy at maaresto ang suspek ay kaagad itong kakasuhan ng paglabag sa Republic Act (RA) 9147 o Protection to Wildlife Act.
Bago natagpuang patay si Pamana ay mahigit dalawang buwan nang pinakawalan ng DENR sa wild upang makapamuhay ng maayos sa kagubatan.
Tiniyak ni Paje na hindi maapektuhan ng pagkamatay ni Pamana ang proyekto ng DENR na maparami pa ang natitirang mga Philippine Eagle na kanilang inaalagaan.