MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng dalawang lalaki ang isang radio broadcaster habang ito ay may kausap sa kanyang bakuran kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tagdon, Barcelona, Sorsogon.
Ang biktima na namatay habang dinadala sa ospital ay kinilalang si Teodoro “Tio Todoy” Escanilla, 59, brodkaster sa DZMS na may programang “Pamana ng Lahi” na maririnig tuwing Sabado at chairman ng Anakpawis at Spokesperson ng Karapatan Sorsogon Chapter.
Batay sa ulat, dakong alas-11:45 kamakalawa ng gabi ay nagising ang misis ng biktima na si Eden Escanilla dahil sa may kausap sa labas ang kaniyang mister na isang Ka Alex nang sumulpot ang isang lalaki at pinagbabaril ito habang ang kasama ay nagsilbing lookout.
Ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon na sinamantala ang kadiliman ng paligid. Narekober naman sa crime scene ang tatlong cartridge ng mga armas na ginamit sa krimen na natukoy na cal. 45 pistol at M16 rifles.