MANILA, Philippines - Nakamit na ni Senador Juan Ponce Enrile ang kanyang pansamantalang kalayaan matapos na makapaglagak ng P1.5 milyon piyansa sa Sandiganbayan 3rd division kaugnay ng kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.
Ayon kay Atty. Eleazar Reyes, diretso si Enrile sa kanyang bahay sa Makati at plano na nitong pumasok sa Senado upang makapagtrabahong muli.
Bago ito ay nagpalabas ng produce order ang Sandiganbayan 3rd division upang maipalabas ng PNP CIDG si Enrile sa PNP General Hospital kung saan siya naka-hospital arrest.
Niliwanag ng Korte Suprema na ang pagkakaroon ng sakit at katandaan ni Enrile ang dahilan ng ginawang pagpayag na makapagpiyansa bagama’t ang kasong plunder ay non-bailable offense.
Samantala, itinuturing ni Associate Justice Marvic Leonen na special accomodation ang desisyon ng Korte Suprema na pahintulutang magpiyansa si Enrile.
Sa kanyang 29-pahinang dissenting opinion, nababahala si Leonen na ito ay maghudyat ng panahon ng “selective justice” na ang mga desisyon ay ibabase hindi na batay sa legal provisions kundi batay sa human compassion.
Kaya’t posibleng bahain ang mga trial court at Sandiganbayan ng mga motion to fix bail na ang batayan ay humanitarian considerations.
Sa ganitong pagkakataon, kinakailangang magdesisyon ang mga lower court kung ang piyansa ay dapat bang igawad dahil sa edad o karamdaman o kung ang ganito bang pribelehiyo ay ipatutupad lamang sa mga senador at dating pangulo na inaakusahan ng pandarambong at hindi sa mga akusado sa drug trafficking, multiple incestious rape, serious illegal detention at iba pang krimen na may katapat na parusa na reclusion perpetua.
Para kay Leonen, ang desisyon ng mayorya sa Korte Suprema ay taliwas sa Rule of Law at maglalagay sa panganib sa legitimacy at katatagan ng buong judicial system.