MANILA, Philippines – Dapat ipaliwanag ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagbabayad niya ng malaki sa kanyang mga kinuhang consultants kabilang na ang kanyang kapatid na tumatanggap ng P71,200 kada buwan o halos kumubra ng kalahating milyong piso sa nakalipas na anim na buwan noong nakalipas na taon.
Batay sa dokumento ng Senado na kumuha si Trillanes ng 55 consultants na binayaran niya ng P7.5 milyon na sobra ng P4.46 milyon dahil P3.04 milyon lang ang nakalaan sa pagbabayad sa mga consultants. Kinuha rin ni Trillanes ang kanyang kapatid na si Juan Antonio Trillanes na sinuswelduhan niya ng P71,200 kada buwan na isa sa may pinakamataas na sahod sa kinuha nitong 55 consultants. Kaya mula Hulyo hanggang Disyembre 2104 ay nakatanggap ang kapatid nito ng P427,000.
Sinabi ni Atty. Rico Quicho, spokesperson for political affairs ng Office of the Vice President na hindi dapat magalit si Trillanes kung humihingi ang taumbayan ng paliwanag sa sobrang paggastos nito sa kanyang mga consultants.
Napag-alaman din na nabigo si Trillanes na magpasa ng accomplishment report o paliwanag sa Commission on Audit (COA) para ipagtanggol nito ang pagbabayad ng sobra sa kanyang 55 consultants.
Ayon pa kay Quicho na laging binanggit ni Trillanes ang katagang “public office is a public trust” subalit kulang naman siya sa transparency at accountability sa kanyang mga aksyon.
Anya, kung hindi kayang ipaliwanag ni Trillanes ang kanyang consultancy fees ay iisipin ng taumbayan na overpriced ang ibinibigay niyang sahod sa kanyang mga consultants.
Ipinapakita pa ng dokumento ng Senado na si Trillanes ay gumagastos ng P1.25 milyon kada buwan sa 55 consultants na doble sa budget allocation para consultancy services ng isang senador na dapat ay nasa P506,262 lang kada buwan.
Habang ang kapatid ni Trillanes na tumatanggap ng P71,200 kada buwan ay may consultant ito nagngangangalang Eddie Ybanez ay tumatanggap lang ng P3,500 kada buwan.