MANILA, Philippines – Pumanaw na kahapon ng hapon si dating Senator Agapito “Butz” Aquino na kapatid nina yumaong Senator Benigno “Ninoy” Aquino Sr. at ex-Senator Tessie Aquino-Oreta at tiyuhin ni Pangulong Benigno Aquino III.
Agad na nagpahatid ng pakikiramay si Senate President Franklin Drilon sa pamilya ng namayapang senador na naging miyembro ng Kongreso noong 9th Congress mula 1992 hanggang 1995.
“I join the nation in mourning the demise of a good friend, former Senator Butz Aquino,” ani Drilon.
Binanggit din ni Drilon na nagkaroon ng mahalagang papel si Aquino noong Edsa revolution at tumulong ito sa pagbuo ng iba’t ibang organisasyon katulad ng August Twenty One Movement (ATOM).
Bilang isang senador, ang mga pamanang batas ni Butz Aquino ay napakikinabangan ng bansa katulad ng Magna Carta for Small Farmers at maging ang Cooperative Code of the Philippines.
“As a legislator, his legacy laws have been benefiting our countrymen, such as the Magna Carta for Small Farmers and the Cooperative Code of the Philippines. On behalf of the Senate, I extend our condolences to the family of Butz,” ani Drilon.
Ayon naman kay Senator Bam Aquino, “natural causes” ang ikinamatay ng kaniyang 76-anyos na tiyuhin.