MANILA, Philippines – Matinding depresyon sa buhay ang isa sa motibo kaya nag-suicide ang 40-anyos na nanay matapos itong uminom ng kape na may lason at isinama pa ang kaniyang anak na lalaki kahapon ng umaga sa bayan ng Cabatuan, Iloilo.
Kinilala ng pulisya ang mag-ina na sina Lucia Marte at anak nitong tinukoy lamang sa palayaw na Boy.
Base sa ulat ng Iloilo PNP na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-8 ng umaga nang silipin ni Leo Coronado ang mag-ina upang kamustahin subalit natanaw nitong kapwa bumubula ang bibig sa may sala ng kanilang bahay sa Brgy. Janipaan Oeste.
Gayon pa man, napilitang humingi ng tulong si Coronado sa mga kapitbahay kung saan puwersahang binuksan ang bahay ng mag-ina.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang mag-ina pero kapwa idineklarang patay.
Natagpuan naman ng mga imbestigador ang tasa ng kape na pinaniniwalaang hinaluan ng lason ng nanay habang dalawa naman sachet ng Lanit Insecticide ang natagpuang wala ng laman sa loob ng kuwarto ng mag-ina.