MANILA, Philippines – Pinabulagta ang 39-anyos na negosyante matapos itong pagtulungang gulpihin at saksakin ng pitong kalalakihan sa inuman sa Barangay San Gabriel, bayan ng Santa Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay Rogaciano M. Mendoza Memorial Hospital ang biktimang si Alexander Dela Cruz ng Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan.
Kinasuhan naman ng pulisya ang mga suspek na sina Virgilio Estacio ng Brgy. San Gabriel; Alein Bautista ng Brgy. San Vicente at ang tatlong menor-de-edad.
Samantala, pinaghahanap ng pulisya ang dalawa pang suspek na sina Marvie Estacio at Rodrigo Brazil.
Sa police report na nakarating kay PO2 Ryan Marcelo, nag-iinuman ang biktima at ang kaibigang si Rodolfo Capili sa compound sa F. G. Cruz Street nang komprontahin ni Estacio.
Sumiklab ang pagtatalo kung saan kaagad namang umalis ang suspek at pagbalik nito ay kasama na ang iba pang suspek na armado ng patalim.
Dito na pinagtulungang gulpihin at saksakin ang biktima.
Sa follow-up operation ay nadakip naman ang mga suspek habang ang dalawa ay nakatakas.