MANILA, Philippines – Isang 17-anyos na binatilyo ang nasawi matapos na ito ay lamunin ng makina ng pangdurog ng yelo o ice crusher habang kumukuha ng mga durog na yelo sa makina sa fishing port ng Brgy. Dugcal, Camaligan, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi.
Ang nasawi ay kinilalang si Angelo Tacorda, residente ng Zone 2, Brgy Bagacay, Tinambac, Camarines Sur.
Batay sa ulat, dakong alas-7:45 ng gabi ay pumunta ang biktima sa nasabing lugar kasama ang kanyang kaibigan na si Norman Almadin, 17.
Habang kumukuha ng durog na yelo na ginagamit sa paglalagay sa mga nahuling isda ay biglang umikot ang makinarya dahilan upang kainin ang kamay ng biktima.
Sa katarantahan at takot ni Almadin, hindi nagawang matanggal mula sa pagkakasaksak ang nasabing ice crusher na naging dahilan upang ang kalahating katawan nito ay tuluyang kainin ng makina hanggang sa tuluyang bawian ng buhay ang biktima.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon nang mga otoridad kung ang nasabing pangyayari ay sinadya o aksidente.