MANILA, Philippines – Pumanaw na ang nagrebelde na si dating police officer Rizal Khan Alih matapos itong dumaing nang paninikip ng dibdib sa kanyang selda sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, dakong alas-6:17 ng gabi ay isinugod si Alih sa emergency room ng PNP General Hospital at dakong alas-6:45 ng gabi ito ay binawian ng buhay na ayon sa mga doktor ay sanhi ng kumplikasyon sa mga sakit nito bunga ng katandaan.
Nag-execute naman ng waiver sa mga opisyal ng PNP ang pamangkin ni Alih na si Shiela Ria Tan na maimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay ng tiyuhin at isailalim ito sa otopsya dahilan sa tradisyon ng mga Muslim na mailibing ang kanilang mga bangkay sa loob ng 24 oras.
Bandang alas-11:00 ng tanghali nang ibiyahe na ang labi ni Alih ng pamilya nito at mga kamag-anak sa Zamboanga City.
Magugunita na si Alih ay siyang namuno sa Camp Cawa siege na ikinasawi nina Brig. Gen.Eduardo Battalla, Chief of Staff nitong si Col. Romeo Abendan at 12 iba pa noong Enero 5, 1989 sa Zamboanga City.
Sinasabing nag-ugat ang pangho-hostage ng grupo ni Alih sa heneral matapos itong tumangging magpalipat ng destino sa Maynila na humantong sa pakikipagtalo nito kay Batalla na nauwi sa malagim na trahedya.
Nagawang makatakas ni Alih sa matapos ang 3 araw na siege kung saan ay tumanggi itong sumuko sa sumugod na security forces kung saan nagtungo at nagtago ito sa Malaysia hanggang sa maaresto noong 2006 sa nasabing bansa.
Ang renegade police officer din ang itinuturong nasa likod ng pagpatay kay dating Zamboanga City Mayor Cesar Climaco noong Nobyembre 14, 1984.
Matapos ma-extradite sa Malaysia ay ikinulong si Alih sa PNP Custodial Center sa Camp Crame upang pagbayaran ang nagawa nitong krimen.