MANILA, Philippines – Tatlong tripulante ang sugatan matapos masunog sa pantalan ng Ormoc City, Leyte ang isang pampasaherong barkong may sakay ng mahigit 500 pasahero at crew, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), dakong alas-4:30 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag na nagliyab ang naturang barkong kadadaong lang galing sa Cebu City.
Sinasabing umalis ang M/V Wonderful Star sa Pier 4 ng Cebu bandang alas-10:00 o alas-11:00 Biyernes ng gabi at dumaong sa Ormoc City Port dakong alas-4:00 kaninang madaling-araw.
Nabatid na pag-aari ng Roble Shipping Lines, partikular ni dating Hilongos, Leyte Mayor Joy Roble, ang barkong may rutang Cebu-Ormoc at pabalik, at nakabase sa Cebu City.
Inihayag ni Roble na pagdating ng Wonderful Star sa Ormoc ay may nakitang usok mula sa cargo handling area bagama’t sinasabing sa cabin ng mga tripulante nagsimula ang apoy.
Idinagdag naman ng Ormoc CDRRMC na ginagamot na sa ospital ang tatlong nasugatan habang ligtas naman lahat ng 544 pasahero ng barko dahil nangyari ang sunog pagkababa ng mga ito.
Hanggang pasado alas-12:00 ng tanghali nahihirapan pa rin ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa kapal ng usok na lumalabas sa cargo handling area.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog sa barkong may kapasidad na magsakay ng 700 hanggang 800 pasahero.