MANILA, Philippines - Nasa 27 miyembro ng elite Special Action Force kabilang ang 12 nasugatan sa Mamapasano massacre ang nagpalipat na ng assignment.
Ito ang inihayag ni SAF Spokesman Sr. Inspector Jason Baldoz sa press briefing sa Camp Crame na ang 15 pa ay kasama rin sa Oplan-Exodus na masuwerte namang hindi nasugatan sa pakikibakbakan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nilinaw naman nito na hindi ito nangangahulugan na ang pag-alis ng 27 sa hanay ng mga SAF elite forces ay kumonti na sila dahilan higit pa ring malaki ang bilang ng mga nalalabi pa sa kanilang mga commandos.
Hindi naman gaanong nabibigyan ng pansin ang pag-alis sa SAF ng 27 elite forces dahilan patuloy ang kanilang recruitment at marami ang pumapasok sa SAF.
Kabilang sa mga nagsilabas na sa SAF ay si PO2 Christopher Lalan, ang nag-iisang survivor sa 55th SAF Company.
Nabatid na nasa 200 ang bagong recruits ng SAF na nanumpa noong Hulyo 1 matapos ang mahigit isang taong pagsasanay.