MANILA, Philippines - Dalawang katao ang nasawi kabilang ang isa na kalalabas lang umano sa ospital matapos na salpukin ang kanilang kotse ng isang 22-foot trailer truck kahapon ng madaling araw sa Pasig City.
Namatay noon din ang mga biktima na sina Donnovan Capa, 32, at Beverly Victoriano, 17, dahil sa mga sugat sa kanilang katawan.
Agad na nadakip ang suspek na si Aaron Gutierrez, 27, driver ng trailer truck na nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage to property.
Batay sa ulat, dakong alas-2:00 ng madaling araw ay lulan ang mga biktima sa Honda Civic (ZDT 724) na minamaneho ni Capa.
Nakahinto sila dahil sa inaantabayan na mag-go signal ang traffic light sa intersection ng Lanuza at Ortigas Avenue.
Habang nakahinto ang kotse ay siya naman mabilis na pagdating ng trailer truck na minamaneho ni Gutierrez at nasalpok ang isang 6-wheeler truck at kumaladkad pa sa katabing Honda Civic ng mga biktima hanggang sa maipit ang mga ito sa concrete wall ng Valle Verde lll Subdivision.
“Hinila ko na ‘yung hand brake, pati ‘yung trailer brake, para huminto ‘yung truck. Talagang tatamaan ko ‘yung mga kotse, so tinamaan ko ‘yung truck para wala nang matamaang iba. Hindi ko alam na meron [pa ring kotse],” wika ni Gutierrez.
Nabatid na ang trailer truck ay may kargang 20 tonelada ng asukal.
Ang biktima na si Capa, residente ng Antipolo City, ay driver ng Honda Civic, at si Victoriano ng Project 4, Quezon City ay nasa front seat din na hinihinalang kalalabas lang sa isang ospital dahil sa nakitaan ito ng hospital tag sa kamay.
Gumamit ng hydraulic equipment ang mga Pasig Rescue Unit, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Bureau of Fire Protection (BFP) personnel para mailabas ang mga biktima.