MANILA, Philippines – Isang 38-anyos na misis na hinostage ng sariling mister ang nasawi matapos na siya ay saksakin ng 15 beses sa loob ng kanilang bahay kahapon sa Olongapo City.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa James Gordon Memorial Hospital ay kinilalang si Marivic Villanueva-Rodriguez, residente ng Mactan, Purok 1. Brgy. Old Cabalan ng nasabing lungsod.
Sugatan naman ang mister nitong si Victor Rodriguez, 42, nang tangkaing magpakamatay matapos na saksakin ang sarili.
Sa salaysay ng ina ng suspek na nakilalang si Angelita, 64, bago nangyari ang krimen bandang alas-9:30 ng umaga ay armado ng patalim ang anak na noon ay nakadroga at sinisigawan ang mga taong nasa loob ng bahay nila.
Nagalit ang suspek at tinutukan ng patalim ang misis at ipinasok sa kuwarto at doon na ito tuluyang binihag na aabot ng dalawang oras.
Hiniling na susuko ang suspek kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino.
Agad na inimpormahan ng pulisya si Paulino, ngunit bago pa man makarating sa crime scene ay narinig ang paghingi ng tulong ni Marivic hanggang sa mawala na ang tinig nito at ilang minuto ang nakalipas ay duguang lumabas ang supek, habang natagpuan ang biktima na duguan ang dibdib.