MANILA, Philippines – Dahil sa pagsasapribado ng Quinta Market ay nagsampa ng kasong graft sa tanggapan ng Ombudsman ang Manila Federation of Public Market Vendors Association, Inc. laban kina Manila Mayor Erap Estrada, Vice Mayor Isko Moreno at iba pang opisyal ng Manila City government.
Batay sa 10 pahinang reklamo, sinabi ni Juliet S. Peredo, presidente ng sabing samahan na ilegal at may anomalya ang pinasok na kontrata ng Manila City government sa Marketlife Management and Leasing Corporation, Inc., (MMLC) para ipatupad ang pagsasapribado sa naturang palengke.
Bukod kina Estrada at Moreno ay kasama rin sa kaso ang bumubuo ng Manila City Council at ilan pang opisyal ng lokal na pamahalaan tulad ng Secretary to the Mayor, City Legal Officer, City Treasurer, City Planning and Development Officer, City Engineer at Board of Members MMLC na sina Carlos Ramon V. Baviera, Presidente ng MMLC; Patrick Herlihy, Rolando A. Evangelista, Jacques Ian S. Lee; at Joseph Michael D. Lagman.
Lumabag din umano sina Estrada sa Government Procurement Reform Act nang mai-award ng mga ito sa MMLC ang proyekto.
Binigyang diin ni Peredo na garapalang minaniobra nina Estrada at MMLC ang kontrata sa pamamagitan ng isang ordinansa na ipinasa sa City Council – ang ordinance No.8346 noong May 13, 2014 na hindi umano dumaan sa tamang proseso ang pag-aaward ng P250 milyong proyekto sa MMLC dahil wala ditong naganap na public bidding at walang public consultation.
Mistulang minadali ang kontrata dahil sa hindi naman qualified at walang kakayahan ang MMLC na isagawa ang naturang privatization project.