MANILA, Philippines – Aabot sa 21-pasahero ang nasugatan makaraang magkarambola ng dalawang pampasaherong bus at isang taxi sa kahabaan ng East Avenue sa Quezon City kahapon ng umaga. Base sa inisyal na ulat, nagkarambola ang mga sasakyang Nova Bus Line (TWR-949) na minamaneho ni Nelson Nasader, Worthy Bus (AEL-984) ni Renato Sumatra, at Dianadal Taxi (UWD-494) ni Cesar Diaz. Sa lakas ng impact, nawasak at nabasag ang salamin ng mga bus kaya tumalsik sa mga pasahero kung saan naisugod naman sa ospital. Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng pulisya ang mga driver ng tatlong sasakyan habang patuloy ang imbestigasyon.