MANILA, Philippines – Dapat nang magbitiw sa puwesto si DOTC Secretary Emilio Abaya dahil sa panibagong solusyon nito para umano hindi na magkaroon ng aberya ang takbo ng tren ng Metro Railway Transit (MRT) sa pagkuha ng apat na magkakaibang kumpanya na ang kontrata lang ay anim na buwan.
Ito ang sinabi ni Atty. Rico Quicho, spokesman for political affairs ni Vice President Jejomar C. Binay na nakakatawa anya ang solusyon ni Abaya na bibigyan lang ng maikling kontrata ang apat na kumpanya na hahawak sa mga kumplikadong problema ng tren.
Wala anyang kapabilidad si Abaya na hawakan ang kanyang puwesto at hindi pa aminin na hindi niya kayang solusyunan ang problema sa MRT tulad ng pinalitan nitong si DILG Sec. Mar Roxas kaya’t dapat na itong magbitiw at ibigay na sa mga tao na may kakayahan at alam ang trabaho.
Ang tama anyang aksyon na gawin nito ay muling ibalik sa kumpanyang Sumitomo at Mitsubishi na subok na sa kanilang trabaho at huwag nang humanap pa ng isang hindi kilalang kumpanya o pag-aari ng kasamahan sa partido ng Liberal Party.
“Marami nang aberya ang MRT at kamakailan ay dalawang tren ang huminto habang ang mga mananakay ay patungo sa kanilang mga trabaho, aantayin pa ba natin na mas malala ang mangyari. Aantayin pa ba natin may mas malala pang mangyari”,wika ni Quicho.
Hinikayat din ni Quicho si Abaya na magpaliwanag at humingi ng dispensa sa libu-libong MRT commuters sa halip na gamitin nito ang oras sa pagbatikos sa Bise Presidente sa isinigawang True State of the Nation Address (TSONA).
“Hindi na natin ikinagulat na isa sa unang pumutak ay si Secretary Joseph Emilio Abaya sa True State of the Nation Address. Halatang tumagos sa kanya ang sinabi ng Pangalawang Pangulo. May kasabihan nga tayong mga Tagalog, kung sino raw ang unang pumutak, siyang nangitlog,” wika ni Quicho.
“Ang Kalihim ng Transportasyon at Komunikasyon ang mukha ng palpak at manhid na pamamahala ng administrasyon,” dagdag pa ni Quicho.
Sinabi pa ni Quicho na ang tunay na realidad ay dalawang taon nang nakaupo si Abaya na may bilyong pisong budyet, libong tao sa kanyang departamento ngunit hanggang sa ngayon ay naghahanap pa rin ng ibang masisisi at nagtuturo pa rin ng ibang taong lulutas ng kanyang kapalpakan.