MANILA, Philippines – Dalawanpu’t-isang estudyante ng Batangas State University (BSU) ang nalason matapos kumain ng spaghetti at chicken sa ginanap na pagtitipon sa Batangas City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Ayon kay P/Chief Inspector Arnold Formento, Batangas City deputy PNP chief, nagsuka, nahilo at sumakit ang tiyan ng mga estudyante ng College of Accountancy, Business, Economics and International Hospitality Management (BSU-CABEIHM) matapos magmeryenda ng pagkaing idineliber ng kilalang fastfood company.
Nabatid na ang mga biktima ay dumalo sa acquaintance program sa Batangas City Sports Coliseum.
Karamihan sa mga estudyante ay isinugod sa Batangas Medical Center, St. Patrick Hospital, St. Camilius Hospital at sa Golden Gate General Hospital kung saan na-diagnose na may acute gastro-enteritis with moderate dehydration.
Wala namang nasa kritikal ng kondisyon ang mga biktima habang pinauwi naman kaagad ang mga estudyante matapos sumailalim sa rehydration.
Sa panayam kay BSU President Engr. Tirso Ronquillo, nakatakdang magpulong ang mga department head para pag-usapan kung magsasampa sila ng kaso laban sa food company.
“Pag-uusapan pa namin kung magpa-file kami ng demanda laban sa food company but for the meantime our insurance company will handle all the expenses for their hospitalization,” dagdag pa ni Ronquillo.