MANILA, Philippines - Nasawi noon din ang tatlong binatilyo matapos tamaan ng kidlat habang sila ay naliligo sa Manila Bay sakop ng Baseco Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina William Calalas Huet, 13; MJ Toto Arigadas, 12; at isang Rodrigo Rial, 17, pawang residente ng Block 15, Baseco Compound, Port Area.
Sa imbestigasyon, dakong alas-5:00 ng hapon nang madiskubre ng security guard na si Cerilo Malamig ang katawan ng mga biktima sa pampang kaya’t iniulat niya ito sa pulisya.
Nangingitim ang katawan at mistulang napuno ng tubig dahil halos lumolobo umano ang mga tiyan ng mga biktima nang ito ay matagpuan.
Kinumpirma ng isang 13-anyos na lalaki na hindi pinangalanan na nakaligtas na kasama siya sa paliligo ng mga biktima, subalit nang siya ay umaahon ay doon kumidlat na tumama sa dagat na kung saan doon sila naliligo. Hindi na inimbestigahan ng pulisya ang insidente dahil pumirma ng waiver ang mga magulang ng mga biktima na walang dapat imbestigahan dahil naniniwala sila na kidlat ang pumatay sa kanilang mga anak.