SAF 44 dinedma uli ni P-NOY hindi pinarangalan sa Police Service Anniversary...
MANILA, Philippines - Kung sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ay hindi binanggit at pasalamatan man lang ang mga nasawing 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa ginawang kabayanihan ay muli itong inulit ni Pangulong Noynoy Aquino nang hindi niya ito ibilang sa mga pinarangalan kaugnay ng ginanap na ika-114 Police Service Anniversary sa Camp Crame kahapon.
Ayon sa sentiyemento ng ilang mga opisyal, miyembro ng PNP na tumangging magpabanggit ng pangalan at maging sa pamilya ng SAF 44 na hindi na nga ibinilang sa mga pinarangalan ay hindi man lamang binanggit ni P-Noy ang kabayanihan ng mga SAF commandos na nagbuwis ng buhay.
Nabatid na kabilang sa rekomendasyon ni Chief Supt. Ferdinand Yuzon, Chairman ng Sub-Committee on Selection of Awardees for the 114th Police Service Anniversary ay ang pagpaparangal sa ilang SAF 44 commandos ang dapat na highlights ng okasyon.
Sa awarding ceremony kahapon sa Camp Crame kung saan nagsilbing tagapagsalita at panauhing pandangal si P-Noy ay pinuri nito at ginawaran ng parangal ang ilang mga opisyal ng PNP sa mabuti at dakilang serbisyo publiko.
Isa sa mga tumanggap ng parangal ay si Supt Julius Suriben, Chief of Police ng San Fernando City, Pampanga dahilan sa ipinakitang outstanding performance sa pag-oorganisa ng 59 Barangay Police Action Teams (BPATs) sa kanilang lokalidad, page-establisa ng Brgy. Disaster Risk Reduction Management Council (BDRRMC) at iba pa.
Samantalang si PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ay tumanggap naman ng award sa outstanding achievement laban sa mga organisadong kriminal.
Si Chief Inspector Wilfredo Valerio Sy, Team Leader ng Central Metro Manila–CIDG sa mahusay na pagiimbestiga sa krimen na nagbunsod sa pagkakaaresto sa Abu Sayyaf top ranking officer na si Khair Mundos noong Hunyo 11, 2014. Samantalang tumanggap rin ng parangal ang iba pang mga opisyal.
Nabulgar rin na ilan sa mga nasawing SAF officer na sina PO2 Romeo Cempron at Mamasapano survivor Supt. Raymund Train na dapat tumanggap ng pinakamataas na highest service medals sa PNP ay tinanggal sa listahan ng mga awardees sa huling sandali bago ang parangal sa hindi pa maipaliwanag na kadahilanan.
Idinagdag pa dito na ang pinuno ng PNP-Intelligence Group na si Chief Supt. Fernando Mendez Jr., na nagbigay ng intelligence sa inilunsad na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 SAF commandos ay tinanggal rin sa programa.
Nabatid pa na ang biyuda ni Cempron na si Christine ay inimpormahan na umano na tatanggap ng parangal para sa kaniyang mister noon pang nakalipas na linggo.
Kapansinpansin rin na mismong mga ordinaryong pulis ay napuna rin na hindi pinapurihan ng mga opisyal ang SAF 44 commandos.
Nang hingan ng paliwanag si PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor ay sinabi nito na hindi niya alam kung bakit nakigaya kay P-Noy si PNP Chief na hindi rin binanggit ang kabayanihan ng SAF 44 dahilan hindi naman siya ang nagsulat ng talumpati.
- Latest