Tinedyer pisak sa 2 sasakyan

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 18-anyos na binatilyo matapos na siya ay maipit sa dalawang sasakyan habang umiihi kamakalawa ng hapon sa Dasmariñas City, Cavite.

Ang biktima na idineklarang dead-on- arrival sa Asia Medic Hospital ay kinilalang si James Amero, ng Brgy. Pulido Extension, GMA, Cavite.

Inaresto naman ang isang 17-anyos na suspek na pinsan ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon, bago nangyari ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon ay bumaba ang biktima sa Isuzu Canopy (TWH-256) na minamaneho ng suspek sa open space ng Sitio Piela malapit sa Piela Lodge ng Brgy. Sampaloc 3.

Habang umiihi ang biktima ay inumpisahan ng suspek na i-start ang sasakyan na hindi napansing nasa 1st gear ang kambiyo nito kaya’t  umandar ito bigla at nagpaikot-ikot.

Sa taranta ng suspek ay hindi na nito makontrol ay bumangga ito sa gilid ng nakparada ring Isuzu Canopy (DSG-751) kung saan nasa gitna ang biktima na umiihi kaya’t naipit ito ng dalawang sasakyan.

Agad dinala sa ospital, pero dahil sa tindi ng tinamong pinsala ay hindi na ito naisalba pa ng mga doktor.

Show comments