MANILA, Philippines - Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Taguig Mayor Lani Cayetano at ang OIC City Administrator na si Jose Montales sa umano’y paglabag sa Article 143 ng Revised Penal Code (RPC) na nagpaparusa sa sinumang haharang sa pagtitipon ng mga legislative body.
Nag-ugat ang naturang kaso sa ginawang pag-padlock ng session hall ng lungsod dahilan kaya hindi nakapagdaos ng session ang Sangguniang Panglunsod at palipatin sa isang maliit na silid sa city auditorium noong Agosto 2010.
Dahil sa kakarampot na espasyo, napilitan ang SP na idaos ang mga pulong nito sa hagdanan ng City Hall sa kauna-unahang sesyon nito at sa iba pang bahagi ng city hall sa sumunod nitong 14 sessions.
Iginiit ng mga miyembro ng Sanggunian na hindi sila kinonsulta bago palayasin mula sa session hall o binigyan ng angkop na palugit at abiso.
Hindi naman pinaniwalaan ni Morales ang paliwanag nina Cayetano na ang pag-padlock sa session hall ay bahagi ng city’s re-engineering at reorganizational plan dahil wala namang project study na kailangang gawin ang mga pagbabago sa mga opisina ng cityhall.
Punto ni Morales, walang plano o pahiwatig ng anumang proyekto na maaaring ikatwiran dito.
Nabigo rin ang alkalde at OIC City administrator na sundin ang Local Government Code na nag-aatas sa maayos na paggamit sa mga tanggapan ng gobyerno at pumipigil sa anumang pag-abuso ng kapangyarihan ukol dito.