MANILA, Philippines – Nasunog ang pitong mamahaling sasakyan na nakaparada kabilang ang sasakyan na sumalpok sa mga ito na minamaneho ng isang Chinese national sa harap ng isang gusali sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasunog na sasakyan ay kinabibilangan ng Toyota Fortuner Wagon (ASA-6456); Mitsubishi Outlander Wagon (ZNB-567); Honda Sedan (ZEN-649), Kia Sorento Wagon na may conduction sticker EF-8766; Honda Civic VTI Sedan (WFD-501); Toyota Innova wagon (ZAN-911); at Mitsubishi Montero Wagon na may conduction sticker EOI-09.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente bandang alas-2:48 ng madaling sa kahabaan ng Don A. Roces Avenue, harap ng Sofia Tower Building, malapit sa kanto ng Scout Tobias, Brgy. Laging Handa ay minamaneho ng isang Charles Vincent Chua, 36, binata ng no. 75 Believue Plaza, Quezon Avenue, Barangay Sto. Domingo sa lungsod ang kanyang Toyota Fortuner at tinatahak ang Don A. Roces Avenue galing sa direksyon ng Tomas Morato Avenue patungong Scout Reyes St.
Pagsapit sa nasabing lugar ay biglang nagloko ito hanggang sa sumalpok sa Mitsubishi Outlander Wagon na nakaparada sa parking area ng naturang gusali.
Sa lakas ng impact, sumadsad patagilid ang wagon at tumama sa Honda Civic na nakatabi nito nang biglang nag-apoy ang Fortuner ni Chua hanggang sa saklolohan siya ng ilang rumispondeng barangay para mailabas.
Paglabas ng biktima ay tuluyan nang nagliyab ang kanyang sasakyan hanggang sa madamay na rin ang mga sasakyang nakaparada sa nasabing parking lot.
Rumesponde ang mga kagawad Bureau of Fire Protection (BFP) at inapula ang mga nagliyab na sasakyan at tatlo sa mga ito ay matinding napinsala habang ang apat na sasakyan naman ay bahagyang napinsala.
Kasalukuyan nakapiit si Chua na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property laban sa kanya.