MANILA, Philippines – ‘Not guilty plea’ ang inihain ng tatlo sa 10 pulis na sangkot sa Edsa hulidap nang basahan ang mga ito ng kaso sa Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) kahapon.
Ang mga binasahan ng sakdal sa
sala ni Mandaluyong City RTC Branch 213 Judge Carlos Valenzuela sa kasong carnapping, kidnapping at robbery in band ay sina Chief Insp. Joseph De Vera, Senior Inspector Allan Emilano at PO2 Jonathan Rodriguez na dumating sa korte na nakaposas, nakasuot ng orange detainee t-shirts, at guwardyado ng mga BJMP na armado ng matataas na kalibre ng armas.
Nauna rito, tinangka pang pigilan ni Atty. Jason Cantil, abogado ng mga akusado, ang arraignment sa kanyang mga kliyente dahil hindi pa aniya nareresolba ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang petition for review.
Hindi naman pinagbigyan ni Judge Valenzuela ang kahilingan ng mga akusado at itinuloy ang pagbasa nang sakdal sa mga ito, kung saan
naghain sila ng not guilty plea.
Nanduon din sa arraignment ang mga complainant na sina Samanodin Abdul Gafur at Camal Mama at ang pre-trial ng kaso ay itinakda sa Setyembre 2.
Hindi naman sumipot sa pagdinig ang iba pang mga akusado sa krimen, na ikinukonsidera na ngayong “at large” matapos na isyuhan na
sila ng hukuman ng warrant of arrest na kinilalang sina Senior Insp. Marco Polo Estrera at Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2s Eronn Decatoria,
Weavin Masa, Jerome Datinguinoo at Mark De Paz. Ang mga naturang pulis ay sinampahan ng kaso matapos umanong dukutin at illegal na arestuhin sina Gafur at Mama habang patungo sa Subic upang bumili ng heavy equipment, at hingian ng P1.2 milyon sa loob mismo ng La Loma police precinct.
Nabuking ang insidente matapos na makuhanan ito ng larawan sa EDSA habang ginagawa ang panghuhulidap na naging viral sa social media kaya’t mabilis na nagsagawa nang manhunt operation na kung saan pagkalipas ng ilang araw ay nadakip sina De Vera at Rodriguez habang si Emiliano ay sumuko kay dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Carmelo Valmoria.
Sina Estrera, De Paz at Datingguinoo ay sinangkot sa pag-ambush at pagpatay sa kidnap suspek na si Rolando Fajardo sa Calamba, Laguna noong Hunyo.
Ang pamilya at kaanak ni Fajardo ay naglaan ng P3 milyon para sa ikadarakip nina Estrera, De Paz at Datingguinoo.