MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Senator Grace Poe na siya ay nagpapasalamat kay outgoing DILG Secretary Mar Roxas sa alok nito na kanyang maging running mate na sinabi sa national television kahapon.
Subalit, kailangan pa niyang mag-isip ng mabuti sa alok ni Roxas dahil ayaw niyang malagay sa alanganin at sa Oktubre pa niya balak magdesisyon kung tatakbo siya sa mas mataas na posisyon.
Ipinauubaya rin ni Poe sa mga nag-aalok sa kanya kung nakahanda ang mga itong maghintay sa kanyang desisyon.
Samantala, inaasahan na ni Poe na mas marami pang paninira ang darating sa kanya na sinimulan na kahapon matapos may magtangkang maghain sa kanya ng petisyon sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Si Poe pa ang humingi ng paumanhin sa mga mamamayan dahil sa mga napipintong paninira sa kanya.
Inihalimbawa nito ang nangyari sa kanyang amang si Fernando Poe Jr. na nakuwestiyon din ang citizenship at maging ang mismong birth certificate sa national achives ay tinangkang ipeke.
Nilinaw rin ni Poe na wala siyang ginawa para ma-acquire ang kanyang citizenhip dahil isa siyang “natural born” na Filipino.
Ayaw naman banggitin o magbigay si Poe ng mga ispekulasyon kung sino ang posibleng nasa likod ng paninira sa kanya.