Sa isyu ng pag-impeach kay Corona... Mar: Banat ni VP kay P-Noy malabo

MANILA, Philippines – Malabo ang tawag ni outgoing DILG Secretary Mar Roxas sa banat ni Vice President Jejomar Binay kay Pangulong Noynoy Aquino na ito ang nagsulong ng impeachment laban kay da­ting Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Pinaalala ni Roxas kay Binay na matibay at malinaw ang ebidensiya laban kay Corona at nasunod ang proseso ng batas sa pagtanggal kay Corona sa puwesto dahil napatunayan na mayroon itong milyong piso at ari-arian na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

“The Judiciay is not Corona and Corona is not the entire judiciary”,  pagtatanggol Roxas kay P-Noy.

“One thing is clear –the Vice President has blurred reasons in criticizing President Aquino in pushing for the impeachment against Renato Corona,” ayon pa kay Roxas kaugnay ng ginawang pagbira ni Binay kay P-Noy sa pagsasabing nilapastangan ng Chief Executive ang batas.

Tila hinamon ni Roxas si Binay nang sabihin nito na kapag ba naging pa­ngulo ay ibig sabihin na hindi na kikilos laban sa mga tiwaling judge, senador, congressman kahit ga-bundok na ang ebidensiya dahil sa baluktot niyang paraan ng pagrespeto sa mga institusyon.

Giniit naman ng pambato ng administrasyon na “ang paglilitis na sumunod sa proseso ng batas ay hindi kawalan ng respeto sa institusyon” at sa katunayan ay nagkakaroon ng pagtitibay sa institusyon dahil nawawala at napaparusahan ang mga gumagamit nito para sa katiwalian.

Tulad ni Corona, humaharap din sa mga alegasyon ng katiwalian si VP Binay, mga miyembro ng kanyang pamilya at mga sinasabing dummies nila na may koneksyon sa sinasabing overpricing ng mga transaksyon sa Makati City sa loob ng 29 na taong nakaupo rito ang pamilya Binay.

Ang pagdedepensa ni Roxas ay dahil sa naging birada ni Binay kay Aquino na pinayuhan umano niya ito na respetuhin ang institution at huwag i-impeach si Corona sa kabila ng mga alegasyon na may itinatagong yaman ito at pagkampi sa mga kasong kinabibilangan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga congresswoman Gloria Macagapagal Arroyo.

Magugunita na noong Disyembre 2011 ay pinatalsik ng Mababang Kapulungan si Corona at nahatulang guilty ng Se­nate Impeachment Court noong Mayo ng sumunod na taon.

Dalawampung  senador ang bumotong guilty si Corona pagkatapos mapatunayan sa paglilitis na may mahigit P183 milyong piso, lupa sa magarang subdivision at mamaha­ling mga condominium unit si Corona na hindi nakadeklara sa kanyang SALN.

Show comments