Mag-asawang matanda patay sa sunog

MANILA, Philippines – Isang mag-asawang matanda ang namatay sa anim na minutong sunog ng kanilang bahay sa Marikina City kahapon.

Natagpuan ang bangkay ng mag-asawa na sina Sebastian Librando, 74, at misis na si Evangeline, 73, sa silid ng kanilang bahay na matatagpuan sa Block 27, Ampalaya St., Barangay Tumana ng lungsod na namatay sa suffocation.

Ayon sa imbestigasyon ang matandang lalaki ay nakahiga na sa kama dahil sa taglay nitong karamdaman ma­ging ang misis nito ay may sakit din at hirap na rin kumilos.

Sinabi ni Senior Superintendent Felixberto Abrenica, 4th District Fire Marshall na ang mag-asawa ay mahimbing na natutulog nang magsimula ang sunog sa kanilang silid pasado ala-1:03 ng mada­ling araw.

Mabilis naman nakaresponde ang mga bumbero sa lugar, subalit hindi sila makapasok sa bahay dahil nakakandado ang loob at ang itaas ay napapalibutan ng mga grills.

Tanging ang bahay lang ng mag-asawa ang nasunog na tumagal lang ng anim na minuto.

Umaabot sa P10,000 ang naging danyos ng sunog at patuloy ang imbestigasyon ng dahilan ng sunog.

Show comments