MANILA, Philippines - Hindi umano na-impress si Vice President Jejomar Binay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino noong nakaraang Linggo at sa kanyang “True State of the Nation Address (TSONA) iniisa-isa nito ang kapalpakan ng administrasyon sa mahigit limang taon nitong pamumuno.
“Ang narinig natin ay ulat na punung-puno ng kwento, pagbubuhat ng sariling bangko at - tulad ng mga naunang SONA - paninisi,” wika ni Binay na muling binanggit ang Aquino government na “manhid at palpak.”
Inihayag ni Binay sa kanyang “TSONA” na ginawa sa Cavite State University, alas-4:00 ng hapon na kaparehong oras din na inihayag ni Aquino ang kanyang SONA.
“Napakadaling mamulot ng numero, mga numerong sa unang tingin ay makislap at kagiliw-giliw. Ngunit hindi kayang pagtakpan ang umaalingasaw na katotohanan na pilit itinatago at ipinagkakaila: pagkaraan ng limang taon, marami pa rin ang naghihirap, nagugutom at walang trabaho,” wika pa ni Binay.
Sinabi rin ng Bise Presidente na sa limang taon ng Aquino administration, ay tumaas ang ekonomiya, subalit hindi naman nabiyayaan ang milyong manggagawa, magsasaka at mga mahihirap na ang tanging nakinabang ay eksklusibo lang sa mayayaman at malalapit sa kanya tulad ng kanyang mga kaibigan, mga miyembro ng kanyang political party na Liberal Party (LP).
Iniisa-isa ni Binay ang mga kapalpakan ng administrasyon tulad ng Luneta hostage crisis, Zamboanga siege, Yolanda tragedy, at ang pagkamatay ng 44 Special Action Force (SAF) sa tinaguriang Mamasapano massacre, na hindi binanggit ni Aquino sa kanyang SONA.
Si Binay na nagsalita sa venue na ang backdrop ay mga larawan ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) na nasawi sa Mamasapano encounter laban sa Moro Islamic Liberation Front.
“Apatnapu’t apat ang nagbuwis ng buhay at marami ang sugatan. Ngunit kahit pahapyaw, hindi nabanggit ang kanilang bayanihan sa SONA. Kahit TY ay wala, at mabuti pa ang hair stylist at fashion designer ay kasama sa mahabang listahan ng pinasalamatan,” wika ni Binay.
Bilang pagpaparangal ay iniisa-isa ni Binay ang pangalan ng 44 miyembro ng SAF.
Nabatid na ang Cavite ay ikawala sa pinakamaraming botante na una ay Cebu na aabot sa dalawang milyon na registered voters, ayon sa Comelec’s 2013 data.