MANILA, Philippines – Binuweltahan agad ni Senator Grace Poe si Pangulong Benigno Aquino III sa pahayag nito nang i-endorso kamakalawa si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na hindi na kinakailangan pang magsanay sa pamumuno.
Bagaman at hindi binanggit ang pangalan ni Poe, mistulang siya ang tinutukoy ng Pangulo dahil mas matagal sa kanya sa gobyerno si Roxas na posibleng maging kalaban ng senadora sa presidential race sakaling magdesisyon itong tumakbo sa presidential election sa susunod na taon.
Sinabi ni Poe, hindi naman maikakailang mas mahaba sa gobyerno si Roxas kaya masasabing hinog na ito pero may mga tindera aniya na mas pinili ang mga mahihinog pa lamang (na prutas) dahil mas tumatagal ito.
Pero, nagpapasalamat rin si Poe dahil sa patuloy na panliligaw sa kanya ng Liberal Party na tumakbong bise president ni Roxas.
Si Poe pa rin umano ang “top choice” ng LP para kumandidatong bise presidente ng partido kahit pa hindi nila ito miyembro.