May patong na P7.8-M Lola na CPP-NPA lider, timbog
MANILA, Philippines – Isang matandang babaeng mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) at may patong sa ulo na P7.8 milyon ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang operasyon sa bayan ng Molo, Iloilo kahapon.
Kinilala ni AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Col. Noel Detoyato ang nasakoteng lider ng CPP-NPA na si Maria Concepcion Bocala, gumagamit ng mga alyas na Ka Etang at Ka Concha, 64-anyos, tumatayong Secretary General ng Komite Rehiyonal Panay.
Sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inisyu ng korte sa kasong murder at rebelyon ay dinakip si Bocala dakong alas- 6:15 ng umaga matapos i-tip ng informer ng militar sa magarbo nitong tahanan sa Juntalo Subdivision, Brgy. Calumpang, Molo, Iloilo.
Nabatid nang masakote si Bocala ay kasama nito ang pamangking si Joseph Cariaga at ang katulong na si Annielyn Soldevilla.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Bocala ang isang fragmentation grenade, isang cal. 45 pistol, isang cal 22, mga bala, 13 piraso ng sari-saring uri ng cellphone, laptop at mga subersibong dokumento.
- Latest