MANILA, Philippines - Kahit na nag-isyu ng certificate of good moral character para sa estudyanteng si Krisel Mallari ay lumalabas na sumuway pa rin bago tumugon sa kautusan ng Court of Appeals (CA) ang mga opisyal ng Santo Niño Parochial School kaya’t pinagpapaliwanag ito kung bakit hindi sila dapat patawan ng contempt at arestuhin.
Sa inilabas kahapon na resolusyon ng CA .2nd Division na pirmado ni Associate Justice Socorro Inting, inatasan nito ang Sto Niño Parochial School at ang registrar na si Yolanda Casero na magsumite ng komento sa mosyon ng kampo ni Mallari na sila ay mapatawan ng contempt at maisyuhan ng bench warrant.
Mayroon lamang 24 oras na ibinigay ang appellate court para sa mga respondent sa pagsusumite ng komento.
Sa UST nakatakdang mag-enroll si Mallari matapos siyang makapasa bilang scholar sa accountancy program ng unibersidad, pero hindi siya makapag-enroll dahil ayaw siyang isyuhan ng certificate of good moral character.
Nabatid na nakapag-isyu nang conditional certificate ang Sto Niño Parochial School pero hindi pa ito pormal na naipapaalam sa CA dahil hindi agad sila nagbigay nang inatasan ng CA na bigyan ng hinihinging dokumento ni Mallari.
Nakasaad sa certificate na pirmado ni Principal Herminia Catud na inisyu nila ang dokumento “under protest” dahil nais nilang kuwestyunin ang bisa at legalidad ng kautusan ng appellate court.
Batay naman sa Articles of Incorporation ng eskwelahan na nasa Securities and Exchange Commission, nabatid na ang mga opisyal ng Sto Niño Parochial School ay sina Bishop Honesto Ongtioco, Msgr. Daniel Sta. Maria, Rev. Fr. Raymond Joseph Arre, Fr. Ronaldo Santos at Rev. Fr. Enrique Aloysius Ma.