MANILA, Philippines - Siyamnapung araw na pagkasuspinde ang ipinataw ng Sandiganbayan kay Department of Justice (DOJ) Assistant State Prosecutor Diosdado Solidum Jr., habang naka-pending ang paglilitis sa kanya sa kasong direct bribery at paglabag sa Section 7(d) may kinalaman sa section 11 ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Sa apat na pahinang resolusyon inatasan ng Sandiganbayan si Solidum na huwag munang papasok sa kanyang puwesto sa gobyerno o sa anumang public office dahil sa kanyang kaso.
Si Solidum ay kinasuhan sa Sandiganbayan ng Ombudsman makaraang mahuli ng NBI agents sa isang restaurant sa Timog Avenue, QC sa isang entrapment operation base sa reklamo ng isang Gerardo Rivera, presidente ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA).
Ayon kay Rivera na nakipag-usap sa kanya si Solidum na mag-meeting sa QC para mabigyang daan ang pagbabaliktad sa ipalalabas nitong resolusyon sa kaso nito na pabor sa kanya at humingi ito ng P10,000.00 mula sa bawat PALEA member/respondent o may kabuuang P2.5 milyon na naibaba sa P1.2 milyon na babayaran ng installment kapalit ng pagdismis sa kaso sa mga PALEA members na hawak ni Solidum.