MANILA, Philippines - Nagsampa ang Quezon City Eye Center (QCEC) ng kasong disbarment, libel at civil case laban sa mga opisyal ng Philhealth sa pangunguna ng presidente at CEO nito na si Alexander Padilla dahil sa pangha-harass at paglalabas ng mga mapanirang pahayag tungkol sa QCEC.
Sa pamamagitan ng mother company na Eye Center Conglomerate, Inc., nagsampa ang QCEC ng disbarment sa Supreme Court laban kina Padilla at Atty. Jay Villegas, senior manager ng Philhealth Operations Audit Department, dahil sa umano’y pangha-harass sa QCEC at hindi pagbabayad sa clinic ng mga kaukulang halaga sa paggamit sa mga pasilidad.
Bukod dito ay sinampahan din ni QCEC President Dr. Raymond Evangelista ng kasong libelo sa sala ni Quezon City Assistant City Prosecutor Nicasio Rosales sina Padilla at Dr. Kim Gariando, Philhealth internal auditor at member ng audit department, dahil sa maling pag-aakusa sa QCEC na tumanggap ng mahigit P150-milyon sa Philhealth claims at umano’y iligal na pamamaraan upang makakuha ng pasyente.
Humihingi si Evangelista ng tig-P2.5-milyon kina Padilla at Gariando bilang moral at exemplary damages at attorney’s fees para sa kasong libelo.
Habang nagsampa rin si Evangelista ng P34-milyon civil case para sa abuse of rights and breach of contract laban sa Philhealth, Attys. Padilla at Villegas, at Drs. Robert Louie So at Gariando sa QC Fiscal’s Office.
Ang disbarment case laban kay Padilla ay ang umano’y hindi makatarungang pag-uusig at paghatol ng Philhealth CEO sa QCEC kahit na nagsasagawa na ito nang sariling pagsisiyasat.