MANILA, Philippines - Kapag tumakbo rin sa pampanguluhan si Senadora Grace Poe at kalabanin si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa 2016 national elections ay mahahati umano ang boto ng mga botanteng Pinoy.
Ito ang pangamba na inihayag kahapon ni Transportation and Communications Secretary at Liberal Party (LP) President Emilio Joseph Abaya sa ambush interview sa pagdalo nito sa metrowide earthquake drill sa Camp Aguinaldo.
Si Roxas ay inaasahang iindorso ngayong araw ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III bilang presidential bet ng ruling Liberal Party sa gaganaping seremonya sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan.
Una nang ibinulgar ni Albay Governor Joey Salceda sa kaniyang facebook account na si Roxas ang nahirang ng LP para iindorsong kandidato sa presidential elections.
Sinabi ni Abaya na umaasa ang kanilang partido na gagabayan ng Banal na Espiritu Santo si Poe para mahimok itong tumakbo na lamang bise presidente ni Roxas sa ilalim ng kanilang partido.
Anya, bukas na bukas ang pintuan ng LP para kay Poe bilang running mate ni Roxas para sa pagpapatuloy pa ng daang matuwid ng administrasyon.