MANILA, Philippines – Mahigit sa 300 estudyante sa elementarya at high school ang nadala sa ospital matapos magsuka at sumakit ang tiyan ilang oras matapos na isailalim sa ‘deworming’ o ang pagpurga na proyekto ng Department of Health (DOH) sa ilang lalawigan ng Region 9 at Region 10 kahapon.
Ang mga apektado ay ang mga lalawigan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte na nasa nasa Region 9 habang nasa 179 namang estudyante ang biktima sa ilang lalawigan ng Region 10 na binubuo ng lalawigan ng Bukidnon, Misamis Oriental at Misamis Occidental.
Batay sa ulat ni Sr. Supt. Celso Bael, Provincial Director ng Zamboanga Sibugay Police, na mahigit na sa 100 ang mga estudyante mula sa elementarya at high school na isinugod sa Alicia District Hospital.
Ang ‘deworming’ o ang “Goodbye Bulate” ay nationwide project ng DOH sa mga pampublikong eskuwelahan sa elementarya at high school.
Sa report naman ni Dr. Nimfa Turrizo, Regional Office ng DOH sa OCD, nasa mahigit 70 estudyante naman ang isinugod din sa pagamutan bunga ng insidente.
Nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga nang isagawa ang ‘deworming’ sa mga estudyante sa naturang mga lalawigan.
Sa paliwanag naman ng mga tuminging doktor sa mga biktima na dapat ay busog ang mga pinupurga dahilan kung walang laman ang sikmura ay magsusuka at sasakit ang tiyan.
Nagpasaklolo na ang lokal na pamahalaan ng naturang mga lalawigan sa Region 9 dahil kinapos ng dextrose ang mga ospital na gagamitin para sa mga batang biktima.