MANILA, Philippines - Isang most wanted person na may kasong pangingidnap at panghahalay na kinilalang si Martin Taganna ang nadakip ng mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Anabu Coastal Road, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat, bandang alas-10:20 ng gabi nang masakote ng pinagsanib na elemento ng PNP-AKG at ng Highway Patrol Group (HPG) ang suspek sa pinagtataguan nito at nasamsam ang isang revolver at 12 bala ng nasabing armas.
Ang suspek ay isang takas na bilanggo kaugnay ng kaso nitong murder sa Leyte Provincial Jail noong Nobyembre 9, 2013 sa kasagsagan ng pananalasa ng super bagyong Yolanda.
Ang suspek ay may kaso ring kidnapping for ransom with rape kay Gng. Merly Nedruda Calsis at anak nitong si Raiven del Rosario na nakasampa sa Justice Department.