Data analyst dedo sa akyat-bahay

MANILA, Philippines - Napatay ang 24-an­yos  data analyst ng Globe Telecommunications na ginawang human shield ng mga akyat-bahay matapos itong  mabaril sa naganap na shootout sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Idineklarang patay sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Jake Ryan Marayag ng Arenas Street sa nasabing lugar.

Kabilang sa iniimbestigahan ang kamag-anak ng biktima na si PO1 Melvin Benteras, 24, ng District Public Safety Batallion ng San Juan PNP dahil ito ang nakabarilan ng mga mi­yembro ng Akyat-Bahay Gang na nakatakas.

Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa loob ng apartment ng biktima at mga kaanak nito.

Nabatid na naghuhuntahan ang biktima at mga kamag-anak na sina PO1 Benteras, Eric Kevin Rodriguez, Gilmar Banguilan, at utol na si Sara  Jean Marayag  nang pasukin ng dalawang akyat-bahay.

Tinangay ang kani-kanilang gadgets subalit nakapagtago sa ilalim ng mesa sina Sara Jean at PO1 Benteras kung saan binitbit ng dalawang akyat-bahay ang biktima bilang human shield.

Gayon pa man, binitawan naman ng dalawa ang biktima saka pinagbabaril habang nakipagbarilan naman si PO1 Benteras.

Nakatakas naman ang dalawang akyat-bahay kung saan ang isa na nagmotorsiklo habang ang kasabwat nito ay nagtatakbo palayo sa crime scene.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa at aalamin din sa kung kaninong bala ang tumama sa biktima bukod sa pamamaril ng mga suspek.

Show comments