Sekyu dedo sa love triangle

MANILA, Philippines - Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang sekyu nang siya ay saksakin ng isang lalaki na ex-lover ng kinasama nito ngayon naganap kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang nasawi ay kinilalang si Ricardo Mangahas, 52, ng Phase 3 F-1, Block 31, Lot 9, Sabado St., Dagat-dagatan, Caloocan City.

Ang suspek na tumakas ay nakilalang si  Richard Flores, 37, ng no 36, Pajo St., Brgy. Quirio 2-A ng lungsod.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi sa barracks ng biktima sa isang bakanteng lote na matatagpuan sa kahabaan ng Aurora Blvd., kanto ng Anonas Avenue ay nasalubong ng kinakasama nito na si Hennalyn Rubio ang suspek na patungo sa barracks at pinagbantaan na papatayin silang dalawa.

Agad na bumalik si Rubio at tinext ang biktima na papunta doon ang suspek at ilang minuto ay nakita niya ito malapit sa gate na may hawak ng patalim na sinipa ang biktima at nang  tumumba ay  pinagsasaksak ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago ito tumakas.

Ang biktima na ang nagtungo sa World City Medical Center para magpagamot,subalit makalipas ang isang oras ay binawian ito ng buhay.

Malaki ang hinala ng pulisya na galit at selos ang dahilan ng pagpatay ng suspek sa biktima dahil ito na ang bagong kinakasama ng kanyang dating ka-live in.

Show comments