MANILA, Philippines - Itiniwalag ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) sina Tenny at Angel Manalo, ina at kapatid ng kasalukuyang punong ministro na si Eduardo Manalo.
Ito ang naging pahayag sa isang press conference ni INC General Evangelist Bienvenido Santiago matapos maglabas ng video ang dalawa sa YouTube.
Ani Tenny sa naturang video, “Ako’y nanawagan sa aming mga kapatid sa Iglesia na tulungan ninyo kami dahil may panganib sa aming buhay. Saklolohan ninyo ang aking mga anak na sina Angel at Lottie at ang kanilang mga kasama.
“Tulungan n’yo rin ang mga ministro na dinukot at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.”
Umapela rin ang biyuda na makausap ang isa pang anak na si Eduardo Manalo, na siyang kasalukuyang punong ministro ng Iglesia.
Pinabulaanan naman ni Santiago ang pahayag ng biyuda at anak ng yumaong punong ministro na si Eraño “Ka Erdy” Manalo.
Naniniwala ang pamunuan ng INC na nais lamang makakuha ng mga Manalo ng simpatya para mapakialaman ang pamamahala dito.
Iginiit din ni Santiago, na ang INC ay isang relihiyon at hindi isang korporasyon at dumaan din anya sa tamang proseso ng paghalal kay Eduardo bilang kanilang punong ministro at hindi ito makapapayag na guluhin ninuman ang INC.
Nanindigan din si Santiago na walang banta sa buhay nina Tenny at Angel na ang mga aral at regulasyon ng INC.
Hindi naman direktang sinagot ni Santiago kung may away-pamilya sa pagitan ng mga Manalo bagama’t inamin niyang hindi pa muli nakakapag-usap sina Tenny, Angel at Eduardo.