MANILA, Philippines – Dalawampung taon na pagkakulong ang inihatol ng Regional Trial Court ng San Fernando, La Union laban sa may-ari ng isang security agency na bigong mag-remit sa Social Security (SSS) ng contributions sa kanyang mga security guards.
Batay sa desisyon ni RTC Branch 66 Presiding Judge Victor O. Concepcion ang naisampang kaso laban kay Fred Ventura, Operations Manager ng Guardsman Security Agency and Detection Group sa San Fernando City, La Union matapos mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Social Security Act of 1997 bunga ng pagbabawas ng kumpanya ng SSS contribution ng mga guwardiya nila pero hindi naire-remit sa tanggapan ng SSS.
Si Ventura ang nakarehistrong may-ari ng Guardsman noong May 2010 na kanyang itinatanggi makaraang kasuhan ng SSS sa hindi pagbabayad ng premiums mula September 2010 hanggang March 2011.
Pinaalalahanan ng SSS ang iba pang employers na huwag tutularan si Ventura dahil parusa ang katapat nito sa bandang huli.